MANILA, Philippines - Tumataginting na P3 milyong halaga ng mga alahas ang natangay sa bahay ng isang Commissioner ng National Labor Relations Commission (NLRC) ng kanilang mismong katulong sa Pasig City.
Personal na nagtungo si Atty. Nieves Vivar de Castro, commissioner ng Employers Sector ng Sixth Division ng NLRC at residente ng Brgy. Santolan, Pasig City sa tanggapan ng Pasig City police upang i-report ang insidente.
Ayon sa pulisya, ang katulong ng biktima na si Emily Morales, na may 16-taon nang naninilbihan sa kaniya ang siyang tumangay sa mga alahas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong alas-7:00 ng umaga kahapon nang matuklasan ni de Castro ang pagnanakaw sa mga naturang alahas na nakalagay umano sa isang safety vault sa loob ng comfort room ng kanilang master’s bedroom.
Inamin naman ng suspek ang pagnanakaw at sinabing sinimulan niya itong isagawa may dalawang buwan na ang nakakaraan nang maiwan ng amo ang susi sa ibabaw ng kanilang computer.
Isa-isa umanong kinukuha ng suspek ang mga alahas upang hindi ito mapansin ng kanyang amo at ipinagbibili sa isang alyas “Badong.”
Naglunsad naman na ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa pag-aresto kay Badong at posibleng pagbawi sa mga alahas ng biktima. Si Morales ay nahaharap na ngayon sa kasong qualified theft at kasalukuyang nakadetine sa Pasig City Headquarters.