Rollback sa presyo ng diesel, kerosene

MANILA, Philippines - Sinalubong ng rolbak sa presyo ng petrolyo ng kompanyang Pilipinas Shell ang pag-upo kahapon ni bagong Department of Energy (DOE) Secretary Jericho Petilla na nanumpa rin sa bagong tungkulin.

Sa anunsiyo ni Shell spokesman Toby Nebrida­, nasa P.85 sentimos kada litro ang kanilang ibabawas sa mga produkto nilang diesel at kerosene habang P.40 naman sa presyo ng regular gasoline epektibo sa Martes ng madaling-araw. Wala namang paggalaw sa presyo ng premium at unleaded gasoline.

Nauna nang inanunsyo ng DOE ang naturang rollback nang higit sa P.50 sentimos kada litro sa diesel habang maliit umano ang pagbaba sa presyo ng gasolina.  Ang naturang rolbak umano ay dulot ng patuloy na paglakas ng palitan ng piso kontra dolyar.

Si Petilla ay nagsilbi ng tatlong termino bilang gobernador ng lalawigan ng Leyte bago hinirang ni Pangulong Benigno Aquino III bilang bagong kalihim ng DOE.

Sinabi nito na walang magagalaw na balasahan sa mga opisyal ng DOE habang ipagpapatuloy umano ang mga “long term” na solusyon sa problema sa enerhiya sa bansa na iniwan ni Almendras tulad ng pagdaragdag ng mga planta ng kuryente at paghahanap ng mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya.

 

Show comments