1 suspect sa pagpatay sa modelo, kumanta na

MANILA, Philippines - “ Nakunsensya na po kasi ako, hindi po kayang dalhin ng kalooban ko, handa po akong sabihin ang lahat ng aking nalalaman.”

Ito ang naging sambit ni Jaymar Waradji, matapos na tumestigo laban kina Fer­nando Quiambao Jr., at Althea Altamirano sa ginawang inquest proceedings sa city prosecutor’s office­ sa kanila kasama si Gelan­ Pasewilan, kahapon ng hapon.

Ang apat ay sangkot sa pagpatay kay Julie Ann Rodelas, ang model at talen­t ng ABS-CBN na na­tagpuang patay sa Cubao noong November­ 6, 2012.

Murder ang kasong isinampa ng Quezon City Police District sa magka­sintahang Quiambao at Alta­merano, habang il­legal possesion of firearms naman kay Pasewilan.

Ayon kay Waradji, wala siyang nalalaman sa pagpatay at panggagahasa dahil ang tanging partisipasyon lamang niya ay ang pagkuha kay Rodelas hanggang sa pag­dadala rito sa kanilang hide-out sa Culiat­, Quezon City.

Idinetalye ni Waradji  na mula sa hide-out ay pinuntahan pa ni Quiambao si Altamirano sa headquarters sa Pasay Police para awatin sa pagbibigay ng anumang impormasyon na makapagpapahamak sa kanila.

Pagdating umano sa Culiat ay dala na ni Quiambao ang isang supot ng cheeseburger na ibinigay naman ni Waradji kay Rodelas para kainin sa kanyang bahay.

Matapos nito ay isinakay na umano si Rodelas sa Mitsu­bishi Montero kung saan sabi ni Waradji na si Efren Talip ang bumaril sa una, habang nagsilbing driver­ ng sasakyan si Quiam­bao bago itapon si Rodelas sa Cubao.

Itinuro rin ni Waradji si Altamirano na siyang utak ng krimen dahil ito umano ang ka-text ni Quiambao simula pa lamang ng krimen.

Samantala, payag naman ang pamilya ni Rodelas na gawing state witness si Waradji kung magsasabi ito ng kanyang nalalaman para malutas ang kaso ng modelo.

Ayon naman kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, sa kabila nito, dalawa pang suspect ang patuloy na tinutugis ng kanyang tanggapan at ito ay nakilala sa alyas na Efren at Aldos na sinasabing siyang bumaril at pumatay kay Julie Ann.

 

Show comments