Bank exec, ina at kasambahay, minasaker

MANILA, Philippines - Tadtad ng saksak ang bangkay ng  tatlo katao ka­bilang ang isang 40-anyos na bank executive, ang ina nito  at kanilang kasambahay nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay, sa Sta. Cruz,  Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima  sina Evelyn Tan, 40, Vice Pre­sident for Loan Department sa BDO-Makati Branch, ina  na si Teresa, 65;  at  kasambahay na si Cristina Bantolay,  22, pawang residente ng #2017 Yakal St., Sta. Cruz, Maynila.

Inginungusong suspect sa krimen ang ilang kalugar ng mga biktima at isa umano dito ay kinilalang isang Nestor Felizarde Jr., 34, residente ng #1299 Camarines St., ba­rangay tanod sa kalapit na barangay, dahil ito umano ang nakitang tumatakas mula sa nasabing bahay na may mga bahid ng dugo at sumakay pa sa tricycle.

Sa inisyal na ulat ni PO3 Rodel Benitez ng MPD-Homi­cide Section, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang madiskubre ang krimen ng isang Francis Lalin, driver ng rent-a-car, na nagtungo sa bahay ng pamilya Tan.

Nauna rito, ilang beses umanong tini-text at tinatawagan ni Lalin si Evelyn para sunduin ito patu­ngong airport  kung saan may official business trip ito sa Beijing, China subalit walang sumasagot kaya nagpasyang magtungo na lamang sa bahay nito.

Pagdating ni Lalin sa bahay ng biktima ay sarado ang pintuan sa kabila ng mara­ming katok kaya ipinaalam nito sa barangay subalit wala pa ring nagbukas dahilan upang i-report ito sa pulisya.

Nang puwersahang pasukin ang bahay ay doon natagpuang duguan at walang buhay at tadtad ng mga saksak sa katawan ang mga biktima.

Ang kasambahay ay na­tagpuan malapit sa  pintuan, habang nasa sala ang mag-ina na may mga hiwa pa ang leeg.

Natagpuang din umano sa crime scene ang duguang t-shirt at sapatos na hinihinalang naiwan ng suspect.

Naniniwala naman ang pulisya na nakapasok sa bahay ang suspect  sa pamama­gitan ng pagdaan sa likurang pintuan kung saan matatagpuan ang isang creek.

Pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng krimen dahil nawawala umano ang bag ni Evelyn na naglalaman ng mga gamit at pera.

Sa impormasyon na nakuha sa nasabing lugar,  nagawa pang mamudmod ng tig-P100 ng suspect sa kanyang mga nakakasalubong bago tuluyang tumakas.

Ang bangkay ng mga bik­tima ay isasailalim sa awtopsiya.

Nagsasagawa pa ng fol­low-up operation ang MPD-Homicide Section sa pamu­muno ng hepe nitong si Senior­ Insp. Joey de Ocampo para sa ikadarakip ng suspect.

 

Show comments