MANILA, Philippines - Magkahalong tuwa at pagkagulat ang nakita sa mga biktima ng sunog sa Maynila nang mag-abot sina Manila Mayor Alfredo Lim at 3rd district Councilor Re Fugoso na kaalyado ng pinatalsik na dating pangulong Joseph Estrada sa pagbibigay ng mga relief goods sa panulukan ng Yuseco St. at Rizal Avenue.
Unang dumating si Fugoso na namahagi ng tulong sa mga residente at nakipag-usap sa kay Jay dela Fuente, director ng department of social welfare-Manila. Nalaman ng konsehal na parating si Lim kung kaya’t minabuti nitong hintayin at tumulong sa pamamahagi.
Umalis lamang si Fugoso matapos ang pamamahagi nila ng alkalde ng relief goods at sumakay na sa kanyang sasakyan ang huli. Samantala, namahagi din ng relief goods at financial assistance sa 400 senior citizens si Lim sa mga naapektuhan ni “Habagat”.
Kasama ni Lim sa pamamahagi ang kanyang vice-mayoral candidate, 6th district Councilor Lou Veloso, Councilor Niño Dela Cruz, 1st district Councilor candidates Joey Venancio at Raffy Jimenez at Manila Lions Club International Foundation secretary-general Rey Oriel sa Wagas covered court at Lakan dula High School sa Tondo.
“Bakit kayo bibigyan nitong tulong na ito? Una, bilang pagkilala sa utang na loob, dahil noong kabataan ninyo ay nagbigay naman kayo ng contribution para sa Maynila. Noong kayo ay nagtatrabaho, noong kayo ay may negosyo, nagbabayad kayo ng buwis kaya nakakatulong kayo sa pag unlad ng Lungsod ng Maynila,” ani Lim.