Kagawad utas, 2 pa sugatan sa ambush

MANILA, Philippines - Muli na namang nalusutan ng mga kilabot na hitman lulan ng motorsiklo ang mga tauhan ng Pasay City Police makaraang mapaslang ang isang barangay ka­gawad habang sugatan naman ang dalawa pa, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.

Nakilala ang nasawi na si Efren Albao, 42, supplier ng “dressed chicken” sa pa­lengke, at residente ng Ilang-Ilang St., ng naturang lungsod.

Malubhang na­sugatan naman ang dalawang pahi­nante ng delivery van na sina Ludegario­ Albao, 23; at Reniel Ecleto.

Sa inisyal na ulat ng Pasay Police, naganap ang pamamaril dakong alas-4:40 ng madaling-araw sa likod ng Pasay City Market and Mall sa Galvez Street.

Nasa loob ng Mitsubishi L-300 delivery van ang tatlong biktima matapos makapagdeliber ng manok nang lapitan ng tatlong salarin na magkakaangkas sa isang motorsiklo.

Dito niratrat ng bala ng mga salarin ang loob ng van bago pinaharurot ang motorsiklo sa pagtakas. 

Agad namang isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktima ngunit nalagutan na ng hininga si Efren Albao bago pa man dumating ng pagamutan.

Nakatutok naman ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa dalawang anggulo.

Una ay ang politika kung saan isang campaign manager­ umano ng isang politiko sa Pasay ang nasawi at ika­lawa ay negosyo makaraang makuha umano nito ang isang magandang posisyon sa Pasay Market and Mall.

 

Show comments