2 bangkay itinapon sa QC

MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng hindi nakikilalang lalaki na kapwa  biktima ng pamamaril ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar­ sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ng pulisya, ang unang biktima ay inilarawan sa suot na kulay pink na t-shirt, cargo pants, may taas na 5’5-5’8, moreno, at katamtaman ang pangangatawan. Nadiskubre ang bangkay ng biktima sa may Niton Avenue, Brgy. Gulod, ganap na alas-12:30 ng madaling-araw

Ayon sa testigong si Don-Don Cepeda naglalakad siya papauwi nang mapuna niya ang biktima na duguan habang nakasalampak malapit sa kanyang motorsiklo.

Agad na ipinagbigay alam ni Cepeda ang nakita sa ba­rangay at rumisponde saka isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima pero idineklara din itong dead on arrival dahil sa tatlong tama ng bala sa gawing likuran.

Samantala, alas-5:30 ng umaga naman nang matagpuan ang isa pang bangkay ng lalaki sa may Payatas Road, Ma­nahan Subdivision, Group 5, Payatas B, sa lungsod.

Inilarawan ang biktima sa edad na 25-30, may taas na 5’6, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay gray na polo shirt, maong pants, at kulay pulang sapatos.

Nadiskubre ang biktima ng isang Liza Banayag, matapos na umano’y makarinig siya ng mga putok ng baril habang nasa loob ng kanyang bahay.

Sinabi ni Banayag, paglabas niya ng bahay ay saka niya nakita ang biktima habang nakahandusay sa lugar, hanggang sa mapuna rin niya ang isang kulay puting sasakyan na mabilis na humarurot papalayo dito. Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente.

Show comments