MANILA, Philippines - Patay ang isang guwardiya matapos barilin ng isa sa dalawang hindi pa kilalang mga holdaper sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Valenzuela General Hospital sanhi ng tama ng bala sa dibdib ang biktimang si Joselito Lopez, 39, OIC ng Night Owl Security Agency at residente ng Santiago St., Brgy. General T. de Leon ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, dakong alas-4:15 ng umaga naganap ang insidente sa kahabaan ng Angeles Extension, Brgy. Gen. T. de Leon ng nabanggit na siyudad.
Nakaangkas ang biktima sa motorsiklo ni Franklin Michael Lopez at pagsapit sa nabanggit na lugar nang harangin ito ng mga suspek lulan ng tricycle na hindi na nakuha ang plaka.
Tinutukan ng baril ng mga suspek si Franklin na naging dahilan upang huminto hanggang sa hingin ng mga suspek ang mga cellphone ng biktima. Bumaba ng motorsiklo ang biktima at habang inaabot ang kanyang cellphone ay pinutukan ng isa sa mga suspek.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay. Iniimbestigahan pa ang nasabing insidente.