MANILA, Philippines - Buhay ang naging kabayaran ng isang security guard sa umano’y pagkakautang niya sa kabaro matapos na siya’y barilin nito at mapatay sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Romel Ramos, 21, binata, security guard ng Asiatic Security and Investigation Agency at naninirahan sa Concepcion Uno, Marikina City.
Pinaghahanap naman ang salarin na si Romeo Acido, 45, kasamahan ng biktima at naninirahan sa 175 Cristobal St., Paco Manila. Sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng Apex Import Marketing Corporation building na matatapuan sa may 57-B Judge Juan Luna, Brgy. San Antonio sa lungsod, ganap na alas-6:50 ng umaga.
Ayon sa testigong si Jonathan Tidios, kapapalit lamang umano sa kanya ng karilyebong suspect at nagpapalit na ng damit sa loob ng kanilang barracks para umuwi nang makarinig siya ng putok ng baril sa labas. Agad na lumabas ng barracks si Tidios para tignan ang ugat ng pagputok ng baril hanggang sa makita niya ang biktima na duguang nakasalampak sa lupa, habang ang suspect ay mabilis na tumakas dala ang kanyang service firearm. Mabilis na itinakbo ng kanyang mga kasamahan ang biktima sa Quezon City General Hospital, pero idineklara din itong dead-on-arrival.
Nabatid pa sa imbestigasyon na matagal na umanong may alitan ang suspect at biktima nang kapwa security guard pa sila sa Apex building. At para matigil ang kanilang bangayan ay nagpasya ang kanilang amo na ilipat ng ibang destino ang biktima. Dagdag ng imbestigador, ang pagtatalo ay tungkol sa umano’y utang ni Ramos kay Acido na hindi nababayaran.
Kaya pagpunta ng biktima sa Apex building kahapon ng umaga para kunin ang kanyang mga naiwang gamit sa barracks ay muling nagkita sila ng suspect hanggang sa mangyari ang nasabing insidente. Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.