MANILA, Philippines - Nadakip na ng pulisya ang isang notoryus na holdaper na sinasabing nambibiktima sa mga nagdya-jogging at namamasyal sa Jogging Lane sa Marikina City makaraan ang isang operasyon ng pulisya kamakalawa.
Nakilala ang naarestong suspek na si Conrado Villanueva, 25, ng Green St., Purok 5, Malanday, ng naturang lungsod. Nakatakas naman ang kasamahan nito na nakilala lamang sa alyas “Bong”.
Positibong kinilala ang suspek ng mga biktimang sina Sandro Panganoron, 25; at Maribeth Segualan, 41, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Marikina City Police, sinabi ng da lawang biktima na kapwa sila nakaupo sa gilid ng Jogging Lane sa may Brgy. Jesus Dela Pena nang dumating ang dalawang suspek lulan ng isang bisikleta dakong alas-10:30 kamakalawa ng umaga. Agad umanong naglabas ito ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Nilimas ng mga suspek ang cellular phone at pera ng mga biktima saka nagmamadaling tumakas. Agad namang humingi ng saklolo ang mga biktima sa pinakamalapit na presinto. Nagsagawa ang pulisya ng follow-up operation kung saan na dakip si Villanueva at narekober ang mga ninakaw na gamit ng mga biktima, patalim at maging ang bisikleta.