MANILA, Philippines - Buhos na ngayon ang atensyon ng Metro Manila Film Festival committee ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa preparasyon sa MMFF 2012 kung saan nakatutok rin sa pagpaparangal sa natatanging “Independent Films” na bukod sa mga regular na pelikula.
Sinabi ni MMDA at MMFF Chairman Francis Tolentino na hinati sa dalawa ngayon ang mga kategorya ng pelikula — ang “Mainstream at New Wave Section”. Ang “mainstream section” ay mga regular na pelikula na prinodyus ng mga movie companies habang ang “new wave” ay nakatuon sa mga “independent films” at “cellphone movies” na gawa ng mga estudyante.
Ayon naman kay New Wave Section head Digna Santiago, natanggap na nila ang mga “entries” na nakatugon sa itinakda nilang palugit nitong Oktubre 25 at inaasahang magiging maganda ang resulta nito upang lalo pang umasenso ang mga independent film makers sa bansa.
Isasagawa ang “screening” para sa Full Feature entries sa Disyembre 19-22 sa Glorietta matapos ang Gala night sa Disyembre 18. Kasama rin sa screening ang “Student Short Film entries” na makakaabot sa palugit ngayong Nobyembre 5.
Bukod dito, nasa “online” na umano sa cinephone.ph ang mga entries a MMFF CinePhone contest para sa mga mag-aaral sa high school at kolehiyo at maaaring nang bumoto sa kanilang paborito. Ihahayag naman ang mga “finalist” sa Full Feature at Student Short Films at maging ang mga nanalo sa CinePhone sa Nobyembre 10 sa Emar Suites, Mandaluyong sa MMFF Press Conference.