60 huli sa pagtoma sa kalye, sementeryo
MANILA, Philippines - Aabot sa 60 katao ang inaresto ng mga pulis sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan dahil sa pag-inom sa kalsada at sementeryo ngayong Undas.
Sa ulat na ipinadala ni Southern Police District director, Chief Supt. Benito Estipona sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), nasa 32 katao ang inaresto sa Makati City sa inilunsad na operasyon laban sa mga lasenggong tumotoma sa kalsada umpisa kamakalawa ng gabi. Umaabot na umano sa 433 katao ang kanilang dinampot sa buong SPD mula nang umpisahan ang operasyon.
Nasa 27 kabataan naman sa Makati City at tatlo sa Parañaque City ang hinuli rin ng mga pulis dahil naman sa paglabag sa ordinansa sa “curfew”. Pansamantalang idinitine ang mga menor-de-edad sa kani-kanilang barangay hall bago ibinalik sa kanilang mga magulang na binigyan naman ng pangaral ng mga otoridad. Kasalukuyang umaabot na umano sa 1,319 kabataan ang nahuhuli ng SPD.
Sa ulat naman ni P/Chief Supt. Tony Decano, ng Northern Police District, pito katao ang kanilang dinakip habang nag-iinuman sa loob ng Sangandaan Public Cemetery.
Nasa 21 katao naman ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa pag-inom ng alak sa mga kalsada ng Blumentritt, M. dela Fuente, Sampaloc at G. Tuazon.
- Latest