MANILA, Philippines - Handa na ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas para sa Undas. Oktubre pa lang ay sinimulan ang paghahanda at siniguro ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ang maayos at mapayapang paggunita ng mga Navoteño sa Araw ng mga Kaluluwa ngayong taon.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Mayor Tiangco sa City Traffic and Parking Management Office, Task Force Disiplina at Philippine National Police-Navotas ang pagroronda o pagbabantay sa tatlong sementeryo sa lungsod, ang City Cemetery, Catholic Cemetery at Immaculate Garden, na matatagpuan sa kahabaan ng Gov. Pascual St., Brgy. San Jose, Navotas.
Magiging mahigpit din ang seguridad at kaayusan sa araw na ito sa tulong ng mga nasabing ahensiya at iba’t ibang volunteers para mapigilan ang pagpapasok ng mga bawal na bagay sa mga sementeryo tulad ng pagdadala ng matutulis na bagay, pagsusugal, pag-inom ng alak at paggawa ng malakas na ingay habang ginugunita ang nasabing okasyon.
“Nais nating maging simple at tahimik ang paggunita sa mga namayapa nating mahal sa buhay,” ani Mayor Tiangco. Sarado na sa trapiko ang kahabaan mula Bacog St. hanggang R. Padilla St.