Babaeng dentista sinaksak ng nagpanggap na kostumer

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang babaeng dentista makaraang saksakin ng isang nagpanggap na pasyente sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa Manila Central University  (MCU) Hospital si Dra. Gloria Froncisco, 53, ng  Vista Verde, Brgy.  Kaybiga ng nabanggit na  lungsod sanhi ng tinamong malalim na saksak sa kaliwang likuran.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Dinnes Catabay, ng NPC compound, ng nasabing barangay.

Ayon sa pagsisiyasat ng Caloocan City Police,  dakong alas-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng klinika ng biktima sa bahay nito  sa nasabing lugar.

Nagpanggap na pasyente ang suspek na nagsabing magpapabunot ng ngipin at pagkapasok sa loob ng klinika ay agad na inilabas ng suspek ang dalang kitchen knife at sinabi sa dentista na, “Pasensya na doktora, kailangan ko ang limang libong piso.”

Tumanggi ang dentista at sinabing wala siyang cash na ikinagalit ng suspek at nang  tangkaing tumakas ng biktima ay dito na siya sinaksak  sa likuran saka mabilis na tumakas.

Narekober ng pulisya ang duguang patalim na naiwan nang tumakas na suspek. Patuloy pa rin  na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

 

Show comments