MANILA, Philippines - Patay ang babaeng negosyante matapos na malapitang barilin sa ulo ng hinihinalang gun for hire sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Hindi na umabot pang buhay sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JASGH) ang biktimang kinilalang si Almira Pastor Reyes, residente ng Bagong Pag-asa, St., Binondo, Maynila.
Patuloy pa ang pagkalap ng testigo at ebidensiya ng Manila Police District-Homicide Section para madakip ang salarin na base sa nakuhang kopya ng closed circuit television (CCTV) ay nasa edad 30-35, armado ng baril na naglakad lamang nang kaswal matapos mapabulagta niya ang biktima nang paputukan sa likod ng ulo nang malapitan.
Nabatid kay PO3 Rodel Benitez, ng Homicide Section, na may nakakabit na CCTV sa ikalawang palapag ng barangay hall at kuhang-kuha ang pangyayari dakong alas-7:15 ng umaga.
Nakitang nakatayo sa harapan ng isang karinderya ang biktima, sa Penarubia St. malapit sa panulukan ng Delpan St., habang tumawid naman ang gunman, na mistulang kumukuha lamang ng tiyempo at naglakad patungo sa biktima saka doon walang sabi-sabing binaril ang huli.
Sumaklolo ang mga nakatambay sa lugar at dinala sa kalapit na pagamutan ang biktima subalit hindi na rin naisalba ang buhay nito.