Amo ninakawan, pinatay ng maid
MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang katulong makaraang pagsasaksakin hanggang sa mapatay nito ang kanyang amo at magnakaw pa sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima ay nakilalang si Solina Viray, 40, dalaga, na nakatira sa Barangka Drive sa lungsod.
Sugatan ding isinugod sa Victor Potenciano Memorial Center ang lola ni Solina na si Milagros Viray, 81-anyos.
Ang suspek na ngayon ay pinaghahanap na ng mga tauhan ng Mandaluyong police ay si Oranesa Bogcalao, maid ng biktima na tubong-Calabanga, Camarines Sur.
Nabatid mula kay Chief/Insp. Carlito Canlas, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong na ang krimen ay naganap dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa loob ng tahanan ng pamilya Viray.
Ayon sa report, pinasok ng suspek ang kuwarto ng kanyang amo at agad na pinagsasaksak habang mahimbing na natutulog saka kinuha ang hindi pa batid na halaga ng pera. Nagising naman ang matanda habang papalabas ng kuwarto ang suspek kaya siya man ay pinagsasaksak nito.
- Latest