Kargador naghamon ng away,inatado ng pinsan

MANILA, Philippines - Patay ang 23-anyos na kargador sa Divisoria market matapos pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng kanyang pinsan na kapwa kargador dahil sa dating alitan nang pagbintangan ang huli na nagnakaw ng kanyang cellphone sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot dahil sa tinamong saksak sa dibdib, mukha, batok at iba pang ba­hagi ng katawan ang biktimang kinilalang si Roger Bogalan, ng Novaliches, Quezon City.

Pinaghahanap naman ang tumakas na suspect na kinilalang si Reymar Lanojan, alyas Ricky, 29, ng P. Herrera St., Tondo. Dakong alas-7:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Juan Luna at P. Herrera Sts., Tondo.

Ayon pa sa ulat, ang biktima at suspect ay nakikipag-inuman sa kanilang mga ka­ibigan simula alas-12:00 ng hatinggabi matapos silang magkarga ng mga gulay.

Nang malasing na ang bik­tima ay naghahamon umano ng away at pilit na nagtatawag na lumabas kung sino ang matapang.

Inawat ang biktima ng suspect subalit nagalit pa umano ito at inungkat pa ang dating alitan nila sa nawa­walang cellphone niya na ninakaw umano ng suspect.

Halos sa suspect na napunta ang galit at pagha­hamon ng biktima hanggang sa maglabas ng patalim ang suspect at tinadtad ng saksak ang katawan ng biktima bago tumakas.

Show comments