Foreman patay sa mason

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ng isang mason ang isang foreman matapos tumanggi ang huli na magbigay ng P30 share para sa pag-inom ng alak ng suspect kamakalawa sa Parañaque City.

Dead-on-arrival nang dalhin sa Dr. Florencio Bernabe Sr. Memorial Hospital ang biktimang si Totie Moreno, stay-in foreman sa construction site ng Monte Carlo Town Homes, Dela Paz St., SAV-1, Brgy. San Antonio ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa dibdib buhat sa isang sumpak.

Samantala, pinagha­hanap naman ng mga kagawad ng Parañaque City Police ang suspek na si Lorenzo Apog, 44, isang mason sa nabanggit na construction site at na­ka­­tira sa Brgy. Almanza 2, Las Piñas City.

Lumalabas sa imbestigasyon na naganap ang in­sidente dakong alas-12:30 ng tanghali nang puntahan ng suspek ang biktima sa barracks nito upang hingan ng halagang share na P30  sa inuman ng grupo ng suspect.

Bukod sa tumanggi ang biktima ay sinabihan pa nito ang suspect na tapusin muna nito ang trabaho bago mag-inom. Dito nagalit ang suspect at sandali itong umalis at nang bumalik ay may dalang sumpak hanggang sa binaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang suspect at ang biktima naman ay mabilis na isinugod sa nabanggit na ospital ng kanyang mga kasamahan, subalit hindi na umabot nang buhay.

Show comments