MANILA, Philippines - Isang pulis Quezon City ang nasawi matapos na malunod nang makipagkarera sa mga kasamahan niyang pulis sa paglangoy sa isang swimming pool sa nabanggit na lungsod kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si PO2 Joseph Ilano, 36, at nakatalaga sa District Police Human Resources Department (DPHRDO) sa QCPD at naninirahan sa SSS Village, Concepcion, Marikina City.
Ayon kay SPO4 Leonardo Pasco, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, naganap ang insidente pasado alas-4:45 ng hapon sa swimming pool sa Club house ng St. Charbel Executive Village sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Brgy. Tandang Sora sa lungsod.
Kaugnay nito, inalis na ng QCPD ang anggulong foul-play sa pagkalunod ni Ilano, dahil kumbinsido sila at maging ng pamilya ng biktima na aksidente ang pagkamatay nito matapos mapanood sa CCTV video ang pangyayari. Malaki ang paniwala nilang pinulikat o inatake sa puso ang biktima kaya ito nalunod.
Sinasabing nagkayayaan mag-swimming ang pitong pulis kasama ng biktima matapos ang araw ng kanilang physical fitness test.
Dito nagkasundo ang biktima at dalawa pang pulis na sina PO2 Jeffrey Pabalan at PO2 Warlito Cagurungan na magkarera sa paglangoy at walang anu-ano ay biglang naglaho sa tubig ang biktima.
Sinasabi naman ng mga kasamahang pulis ni Ilano na ito ay isang magaling na swimmer at sa katunayan ay ito ang naitalagang facilitator sa taunang physical fitness test ng mga pulis sa Quezon City kaya’t di nila akalain na masawi ang biktima sa paglangoy.