MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P10 milyong halaga ng ari-arian ang naabo nang masunog ang isang warehouse ng hardware construction supply sa Brgy. Holy Spirit, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Bureau of Central Fire Station, ang nadale ng apoy ay ang gusali ng Elegance Builders Center na matatagpuan sa Block 2, Lot 14, Don Enrique Heights, ng nasabing barangay. Ang nasabing warehouse ay pag-aari ng isang negosyanteng si Nestor Ang, 50.
Nagsimula ang sunog alas- 6 ng gabi na mabilis na kumalat sa gusali dahil pawang mga combustible materials ang nasa loob nito. Sinasabing imbakan ng materyales ang nasabing gusali tulad ng tiner at pintura kung kaya mas lamang ang pagliyab nito at hindi kaagad maapula.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog. Habang patuloy na inaalam ang ugat ng nasabing pag-apoy dito.