Mister na-miss si misis, nagbigti

MANILA, Philippines - Isang 32-taong gulang na mister na sina­sabing nangulila sa kan­yang misis na nasa abroad ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti ng kanyang sarili sa loob ng kanilang tahahan sa Mandaluyong City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Janlee Lorenzo, isang real estate broker­ at pansamantalang naninirahan sa G. Francisco St., Brgy. Plainview, sa lungsod.

Nadiskubre ang bangkay ng biktima ga­nap na alas-2:03 ng hapon ng kanyang kapatid na si Jill Ann Lorenzo, 30.

Ayon kay Jill Ann, tumawag sa kanya ang misis ng biktima na si Marie Ann Lorenzo na nasa Singapore na tingnan muna niya ang kanyang kuya dahil nagsabi umano ito na gusto na niyang magpakamatay.

Pagdating ni Jill Ann sa bahay ng kapatid ay tumambad sa kanya ang nakabigting katawan ng kanyang kuya sa hagdan at wala nang buhay.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima na malungkot dahil sa pagiging desperado sa buhay at labis na pangu­ngulila sa kanyang misis.

Nais umano ng biktima na pauwiin na ang kanyang misis pero hindi pa tapos ang kontrata na posibleng dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.

Nagsasagawa pa ngayon ng masusing im­bestigasyon ang mga tauhan ng Mandaluyong police upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.

Tinitingnan din ng pulisya kung may naganap na foul play sa na­sabing insidente.

Show comments