MANILA, Philippines - Ibinunyag na ng Manila Police District (MPD) ang pangalan ng tatlong babaeng estudyante na sumaksak sa isang UST student na nanood lamang ng stage play sa compound mismo ng Far Eastern University sa Maynila.
Kinilala ni Supt. James Afalla, commander ng MPD Station 4 ang tatlong kolehiyala na sina April Borromeo, Danica Suba at Danica Ortega, pawang estudyante ng FEU.
Sa panayam kay Afalla, nakuha ang mga pangalan ng mga suspect sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng FEU upang maresolba ang krimen.
Nabatid na ang mga nabanggit ang sinasabing sumaksak sa UST student na si Joanne Lourdes Reyes. Ang mga ito ay ginawaran ng suspensiyon at kabilang sa mga kinasuhan ng frustrated murder.
Una rito ay tinukoy ang sumaksak sa biktima na si Maria Crisitine Acosta na patuloy pa ring nagtatago.
Naniniwala si Afalla na bagaman hindi pa sumusuko ang mga nasabing estudyante ay mapapabilis na rin ang pagdakip sa kanila dahil sila ay kilala na.