‘Mukha’ ng gunman ng BIR director, inilabas
MANILA, Philippines - Inilabas na ng Quezon City Police District (QCPD) ang artist sketch ng gunman sa pagpatay sa director ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Jonas Amora, at pagkakasugat ng driver na si Angelo Pineda nitong nakaraang Lunes.
Ang suspek ay tinatayang nasa edad na 30, may taas na 5’0 talampakan, may kapayatan ang pangangatawan, at kayumanggi ang kulay ng balat.
Ayon kay QCPD Director P/Senior Supt. Guillermo Eleazar, ang pagsasalarawan sa suspek ay base sa isang testigong nakaharap mismo nito bago ang nasabing krimen, patikular sa gate ng subdibisyon kung saan naninirahan ang biktimang si Amora.
Sabi ni Eleazar, base sa testigo bago ang insidente ay nasa tindahan siya ng naturang subdibisyon kung saan bumili ng sigarilyo ang gunman kung kaya nakita nito ang itsura, palinga-linga pa anya ito sa gate, hanggang sa umalis sakay sa kasamahang nasa motorsiklo nang lumabas ang sasakyan ng biktima at sinundan ito.
Dagdag ng opisyal, sa kasalukuyan, wala pa silang nakikitang motibo sa pamamaril kay Amora, 55 at driver nito na si Angelo Pineda, 50, dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nila nakakausap ang huli bunga ng iniinda nitong tama ng bala sa mukha.
Gayunman, lahat ng anggulo aniya ay kanilang tinututukan, para sa ikalulutas ng nasabing kaso dahil hindi anya sila tumitigil sa pamamagitan ng binuong Special Investigation Task Force para maresolba ang tunay na sanhi ng nasabing pamamaril.
- Latest