Umaasa si Ronnie Alonte na maaayos pa ang naging gusot sa pagitan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Matatandaang nagkahiwalay kamakailan ang KathNiel pagkatapos ng labing-isang taong relasyon ng dalawa. “Naniniwala kami ni Loisa na kaya pa ring pag-usapan ‘yan, ‘di ba? Umabot nga sila ng 11 years eh. Basta ako naniniwala ako, maaayos nila ‘yan,” bungad ni Ronnie sa ABS-CBN News.
Pitong taon na ngayong magkasintahan ang aktor at si Loisa Andalio. Para kay Ronnie ay normal lamang sa mga magkasintahan o magkarelasyon ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan paminsan-minsan. “Naniniwala ako diyan, may pitik talaga,” giit ng binata.
Malapit na kaibigan nina Ronnie at Loisa sina Kathryn at Daniel. Ayon sa aktor ay mayroon silang sikreto ni Loisa kaya tumagal ng pitong taon ang kanilang relasyon. “’Yung away, panatilihin na lang sa inyong dalawa, walang makakalabas. Kasi the way na lumabas, minsan doon pa lumalala ‘yung sitwasyon. Relasyon namin ni Loisa ito. Kami lang dapat ‘yung makaalam kung may away kami or hindi. Kasi the way na lumabas ‘yang issue na ‘yan, doon mas lalala. ‘Yon ang nangyari, kawawa si Daniel, kawawa si Kathryn. Minsan si Daniel ‘yung napupunto pero hindi natin alam ‘yung istorya kung bakit sila nagkahiwalay,” makahulugang pagbabahagi ng aktor.
Marlo, may hugot sa bagong kanta
Isang bagong album ang nakatakdang ilunsad ni Marlo Mortel sa pagpasok ng 2024. Wala pa mang detalye sa ngayon ay sinisiguro ng singer-actor na mas personal ang tema ng kanyang mga bagong kanta. “Saka ko na sasabihin title. Pero ipapakita ko sa sarili ko who I am as a singer-songwriter. I am really going to share parts of my life and my story. Emotional siya but not in a painful way. Mas makikilala n’yo rin sino ako,” paglalahad ni Marlo.
Magtatatlumpu’t isang taong gulang na ang binata sa darating na Enero. Ang mga personal na karanasan umano ang pinaghugutan ni Marlo sa kanyang mga bagong kanta. Umaasa rin ang singer-composer na magsisilbing inspirasyon ang kanyang musika para sa mga tagahanga. “That’s the main goal, to inspire. It is like my destiny in life to share my story through my music. Grade 3 pa lang ako, may nagpu-push sa akin deep inside me to write songs. I write songs kahit eight years old pa lang ako about love na wala namang nagturo sa akin,” kwento ng singer-composer. (Reports from JCC)