May-ari ng lumubog na barko, kakasuhan sa oil spill
Mayors, Gov. sa Oriental Mindoro nagkaisa
MANILA, Philippines — Sasampahan ng patung-patong na kaso ng mga alkalde sa Oriental Mindoro ang may-ari ng lumubog na MT Princess Empress dahil sa inabot na pinsala sa lalawigan dulot ng malawakang oil spill mula sa nasabing barko.
Ayon kay Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz kahapon, ang mga mayors ng Oriental Mindoro at Governor Bonz Dolor ay nagkasundo para sa nagkakaisang paghahain ng kaso laban sa owner MT Princess Empress matapos ang kanilang ginawang pagpupulong nitong Biyernes.
“Yesterday (Friday) all the mayors (of Oriental Mindoro) attended a meeting with the governor. We discussed how to file the case and it was agreed that the filing of the case will be through the provincial government,” ani Cruz sa isang radio interview.
Idinagdag ni Cruz na, kinuha na ng Pola local government ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahanda ng “class suit” laban sa may-ari ng naturang barko na lumubog sa karagatang sakop ng Naujan, Mindoro.
Sinabi naman ng environmental group Oceana na ang class suit ay posibleng maisampa may be laban sa may-ari ng MT Princes Empress sa ilalim ng Republic Act 9483 o ang Oil Pollution Law.
“We are awaiting the result of the investigation of the NBI and other concerned agencies for Pola as we suffered the biggest damage,” dagdag ni Cruz.
Ayon pa kay Cruz, ang Pola ay may kabuuang 533 ektarya ng mangrove areas at 50-kilometer shoreline kung saan malaking bahagi nito ang napinsala dulot ng oil spill.
Samantala, sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Spokesperson Nazario Briguera na naglaan na ang BFAR ng karagdang P15 million budget upang tulungan ang mga mangingisda na nawalan ng pangkabuhayan dahil sa oil spill.
Naglagay na rin ang Department of Environment and Natural Resources-Environment Management Bureau (DENR-EMB) Region 4-B, Philippine Coast Guard (PCG) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng mga spill booms at absorbent booms sa Calimawawa River, Casilagan River, at Brgy. Misong sa Pola, Oriental Mindoro upang mapigilan ang paglawak pa ng oil spill mula sa lumubog MT Princess Empress.
- Latest