2 police captain, abogado todas sa shootout!
Pinag-aawayang lupa sa Tagaytay, pinasok
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at isang abogado matapos umanong magbarilan habang dalawa pa ang naaresto dahil sa hinihinalang “away sa lupa” sa loob ng isang subdibisyon sa lungsod ng Tagaytay, Cavite nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina P/Capt. Adrian Binalay, nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR); P/Capt. Tomas Ganio Batarao Jr., dating naka-assign sa Calamba Police Station at ngayo’y under schooling; at ang lawyer na si Dennis Santos.
Sa ulat ng Tagaytay City Police, si Capt. Binalay ay dead-on-the-spot sa insidente habang sina Capt. Batarao Jr. at Atty. Santos ay nasawi habang dinadala sa pinakamalapit na ospital dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Arestado naman ang dalawang kasamahan ni Atty. Santos na sina Elmer Mabuti at Benedicto Hebron, umano’y retiradong Sheriff.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente nang pasukin ng dalawang pulis ang pribadong lote sa loob ng Prime Peak Subdivision sa Brgy. Maitim 2nd Central, Tagaytay City.
Lulan ng isang behikulo, nagtungo sa naturang lugar sina Capt. Binalay at Capt. Batarao Jr. kasama ang isang tumayong witness na si Babygen Victa Magistrado, 46-anyos, ng Brgy. Commonwealth, Quezon City, upang tumingin umano ng mga ibinebentang lote sa lugar. Pumasok umano ang dalawang pulis sa gate ng nasabing lupain kung kaya hinarang ng naka-duty na security guard na si Ryan Santillan at sinabihang bawal pumasok sa nasabing lugar dahil sa pribadong lupain ito.
Sa kabila ng babala, pumasok pa rin umano ang mga pulis sanhi upang magkaroon sila ng pagtatalo kung kaya agad na tinawagan ng guwardya ang amo nito na si Atty. Santos na nakatira sa loob ng nasabing subdivision.
Agad na nagtungo sa lugar ang nasabing abogado sakay ng kaniyang Hyundai Creta (NIJ 1370) kasama sina Mabuti at Hebron. Pagkababa diumano nila sa sasakyan ay nagkaroon ng komprontasyon at mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga pulis hanggang sa bumunot na umano ng dala nitong baril ang nasabing lawyer at pinagbabaril ang dalawang pulis.
Kahit na kapwa may mga tama ng bala, nagawa namang makaganti ng putok ang dalawang opisyal ng PNP sanhi upang masapol ng bala ang abogado.
Kapwa patay ang tatlo sa barilan habang sina Mabuti at Hebron ay dinakip ng mga rumespondeng pulis sa Tagaytay Medical Center kung saan nila itinakbo si Atty. Santos.
Matinding awayan sa lupa ang tinitingnang motibo ng pulisya na siyang pinag-ugatan ng madugong insidente.
Nabatid na ang nasabing lupain ay naipanalo na sa kaso ni Atty. Santos at wala naman diumanong ibinebentang lupa sa naturang lugar kung saan nagtungo ang mga nasabing pulis na kapwa hindi naka-uniporme.
Iniutos na ni Calabarzon police director PBrig. Gen. Paul Kenneth Lucas na bumuo ng investigation team na tututok sa imbestigasyon sa shootout at mangalap ng mga ebidensya at pahayag upang mabigyan linaw ang insidente.
Agad namang nagtungo sa crime scene ang National Police Commission (Napolcom) team na pinamunuan ni regional director Atty. Owen De Luna para magsagawa ng parallel investigation at i-validate ang police report sa madugong insidente kung saan nasasangkot ang dalawang opisyal ng PNP.
- Latest