Natatakot iwasan ng ka-chat
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Ako po ay isang babae na nasa hustong gulang at kasalukuyang gumagamit ng isang dating app para makakilala ng posibleng makasama sa buhay.
Sa ngayon, may nakausap po akong isang lalaki na mabait, matalino, at tila totoo sa kanyang pakikitungo.
Sa aming palitan ng mensahe, ramdam kong may posibilidad na maging seryoso ang aming koneksyon.
Ngunit may isang bagay po akong itinatago na siyang bumabagabag sa akin—may kapansanan po ang aking kanang kamay. Hindi ito halata sa aming online na pag-uusap dahil madalas akong gumagamit ng voice messages o maingat sa aking pagpili ng pictures.
Natatakot po akong sabihin sa kanya dahil baka magbago ang tingin niya sa akin, o baka iwasan niya ako kapag nalaman niya.
Pinag-iisipan na po naming magkita nang personal, at hindi ko alam kung paano ko ihahanda ang sarili ko.
Dapat ko na po bang sabihin bago pa ang aming pagkikita? Paano kung hindi niya matanggap?
O dapat ko na lang bang ipakita ito sa personal at hayaan siyang magdesisyon kung ipagpapatuloy niya ang aming ugnayan?
Gusto ko po maging totoo, pero natatakot akong masaktan at matanggihan.
Ano po ang dapat kong gawin?
Zen
Dear Zen,
Salamat sa pagtitiwala mo sa akin. Naiintindihan ko ang iyong pangamba—hindi madali ang sitwasyon mo.
Pero tandaan mo, ang tunay na pagmamahal at koneksyon ay nakabatay sa pagiging totoo at tapat sa isa’t isa.
Kung seryoso kang makilala siya nang mas malalim, mas mabuting sabihin mo ang totoo tungkol sa iyong kalagayan bago pa kayo magkita.
Hindi kailangang agad-agad mong sabihin, pero kapag napag-uusapan na ninyo ang mas personal na bagay, subukan mong ipahayag ito nang mahinahon at may tiwala sa sarili.
Kung tunay siyang mabuting tao, hindi niya ito gagawing dahilan para lumayo. Ang tamang tao ay tatanggap sa iyo nang buo, kasama ang mga imperfection mo.
Kung hindi niya ito matanggap, mas mabuting malaman mo na ngayon kaysa masaktan ka pa nang mas malalim sa hinaharap.
Mahalaga rin na huwag mong isipin na ang kapansanan mo ay isang bagay na dapat mong ikahiya. Isa itong bahagi ng iyong pagkatao, pero hindi ito ang kabuuan mo.
Marami kang magagandang katangian na dapat ipagmalaki—ang iyong ugali, talino, at kakayahan na magmahal nang totoo.
Maging matatag ka at ipakita ang iyong tunay na halaga. Ang taong para sa iyo ay hindi matatakot o lalayo dahil lang sa isang bahagi ng iyong pisikal na anyo.
Maging tapat, at hayaan na ang tamang tao ang makakita ang kagandahan mo nang buo. Nawa’y matagpuan mo ang pag-ibig na tunay at tapat.
Nang sa gayun ay matamo mo ang tunay na kaligayahan na may kapanatagan ng kalooban.
Kasama mo ako sa panalangin, hangad ko na maging masaya ka.
DR. LOVE
- Latest