Dear Dr. Love,
Mag-iisang taon na kaming kasal ng mister ko at ako ay buntis na pero wala pa siyang trabaho, at ayaw niya maghanap ng trabaho. Hindi ko akalain na ganun siya. Araw-araw, umaalis siya pero sa mga kabarkada ang punta.
Masyado siyang dependent sa mga magulang niya na kumukunsinti sa kanyang katamaran. Mayaman ang family niya at unico hijo siya kaya spoiled brat.
Pati ang condo na tinitirhan namin na 80 thousand pesos a month ay magulang niya ang sumasagot. Nang isumbong ko siya sa parents niya ay sila pa ang nagalit.
Bakit daw pagtatrabahuhin ko ang anak nila gayung sustentado kami? Paliwanag ng ama, ang asawa ko ay business partner ng negosyo nila at ang isinusustento sa amin ay perang mula sa stocks niya.
Pero kung magkagayon, dapat man lang ay nag-oopisina siya sa kanilang kumpanya pero hindi. Natatakot ako na baka dumating ang araw na malugi ang business nila at wala siyang alam na trabaho.
Ano ang gagawin ko?
Gilda
Dear Gilda,
Super-yaman pala ang asawa mo, kaya niyang magpalamig-lamig. Pero tama ka.
Dapat nag-oopisina siya para malaman at masanay sa pagpapatakbo ng negosyo. Kung wala siyang diskarteng sarili, himukin mo siyang ipagtayo ka ng business alang-alang sa future ninyo. Ikaw ang mamahala.
Sabihin mo na nababagot ka na walang ginagawa. Puwedeng franchise ng convenient store o fast food. Palagay ko, kayang-kayang ibigay sa iyo iyan ng asawa mo as a birthday gift.
Dr. Love