Dear Dr. Love,
Ako po ay may dominanteng asawa at nakakahiya mang aminin, ander de saya akong matatawag. Nagtatrabaho ako sa isang pabrika ng biskwit at minimum wage lang ang kinikita ko.
Ang misis ko naman ay isang tindera ng gulay sa palengke at pilit naming pinagkakasya ang aming kinikita para maitaguyod ang aming pamilya. Mayroon na kaming dalawang anak.
Pero nalugi ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ko kung kaya nagkaroon ng pagbabawas ng trabahador at kabilang ako sa mga natanggal.
Ayaw kong ipaalam ito sa aking misis dahil siguradong magagalit siya.
Isang buwan na akong walang trabaho at ang ginagawa ko, umuutang ako sa mga kaibigan ko para mabuo ang sinasahod ko at ‘yun ang iniintrega ko sa aking asawa.
Pero hindi ko ito pwedeng gawin palagi dahil saan ako kukuha ng pambayad sa inuutang kong pera?
Natatakot ako na hindi lang magagalit sa akin ang asawa ko, kundi baka iwanan pa niya ako. Pagpayuhan mo po ako, Dr. Love.
Buboy
Dear Buboy,
Hindi mo kasalanan kung nalugi ang kumpanya ninyo at kasama ka sa mga nawalan ng trabaho. Napakawalang konsensya naman ng asawa mo kung magagalit siya sa’yo dahil sa bagay na hindimo kontrolado.
Ano ang dapat mong gawin? Sabihin mo sa misis mo ang totoo at magsimula ka nang maghanap ng trabaho. Huwag kang magpa-ander kung ikaw ay nasa katuwiran. Ikaw ang lalaki at padre de pamilya, kaya iyan ang panindigan mo lalo na sa harap ng iyong kumander.
Dr. Love