‘Kada lapag, papag’
Dear Dr. Love,
Isa akong seaman. May biruan kami sa barko, “kada lapag, papag.” Kung oobserbahan sa maraming kabaro ko, nagkakatotoo ang biruan na ito.
Dahil sa bawat pagbaba ko kasi ng barko, may nakikilala akong babae at nauuwi sa alam mo na. Hindi naman ako gwapo, siguro dahil makwela ako kung kaya attractive ang dating.
Anim ang panganay ko. Puro Pinay ang ina. Hindi alam ng misis ko dahil wala naman akong sinasabi sa kanya.
Wala naman naghahabol sa akin dahil may mga asawa rin ang iba sa kanila. May anak ako sa Singapore, South Korea, Panama, Oman at sa Japan.
Maganda ang posisyon ko at malaki ang sahod ko kaya nagagawa ko ang gusto ko. Pero ang nakalimutan ko ay ang maging malapit sa sarili kong pamilya.
Halos hindi ko sila nakapiling mula nung bata pa dahil sa paglalayag ko. Ngayon ko nararamdaman ang lungkot at panghihinayang sa mga oras na nasayang dahil malayo ako sa kanila.
Ganoon din sa mga anak ko sa ibang babae, na minsan ko lang nasilayan. Anak ko sila pero hindi nila ako kilala. Hindi ko nga malaman kung kailan ko sila madadalaw muli.
Marami akong pagkukulang sa pamilya ko. Lalo na sa napakabait kong asawa. Alam ko na may duda siya at may nakakarating na balita sa kanya pero tinatanggap pa rin niya ako nang para bang wala siyang lungkot at sakit na nararamdaman. Lalo tuloy akong nagi-guilty sa mga nagawa ko.
Marami akong pera pero salat sa tunay na pagmamahal.
Lucas
Dear Lucas,
Mainam na nauunawaan mo na ngayon ang mga mali mong nagawa. Malamang, kaya nanahimik lang ang iyong asawa dahil ayaw niyang ipamulat sa inyong mga anak ang kabuktutan ng kanilang ama. Ayaw niya rin na masira ang pamilya ninyo.
Kung marunong kang magtago ng kalokohan, ang misis mo ay marunong magtago ng katotohanan. Kahit masakit at mahirap, tinitiis niya para sa pamilya ninyo.
Mas mainam kong itigil mo na ang ganyang gawain. Putulin mo na ang komunikasyon mo sa mga naging babae mo.
Hindi pa rin mahihigitan ng pera ang pagmamahal na maiaalay sa iyong pamilya. Maraming salamat sa iyong binahagi, sana’y magsilbing aral ito sa mga seaman na tulad mo.
DR. LOVE
- Latest