Walang direksyon ang buhay

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Joey, 22 anyos. Mayroon akong girlfriend na kapitbahay namin. Mahal ko siya at mahal niya ako pero tutol sa akin ang mga parents niya.

College dropout kasi ako at walang pirmihang trabaho. Nabarkada kasi ako at napaba-yaan ko ang aking pag-aaral.

Tahasang pinagsabihan ako ng tatay ng girlfriend ko na walang direksyon ang aking buhay at walang kinabukasan ang anak nila sa piling ko. Masakit silang magsalita. 

Pinipilit ko namang magtrabaho kaso wala akong makuhang permanente dahil gusto ng mga employer ay college graduate. Masyado kung manlait ang mga magulang niya.

Pati girlfriend ko ay nalalason na ang isip at gusto nang makipag-break sa akin. Ano ang dapat kong gawin?

Joey

Dear Joey,

Hindi ka nilalait ng mga parents ng girlfriend mo kundi sinasabi lang nila ang gusto nilang maging kinabukasan ng kanilang anak.

Ako man ang lumagay sa katayuan nila, gusto kong seguruhin na kung mag-aasawa ang anak kong babae ay magiging secured ang kinabukasan niya.

Kung may dapat sisihin sa kalagayan mo ngayon, walang iba kundi ikaw.

Bakit nagpabaya ka sa pag-aaral? Pero naririyan na iyan. Tutal bata ka pa naman, bakit hindi mo tapusin ang college para makahanap ng magandang trabaho?

Dr. Love

Show comments