Umiwas sa tukso

Dear Dr. Love,

Mula nang dumating galing sa Amerika ang ate ng misis ko ay naging magulo ang relasyon naming mag-asawa.

Hindi ako ang tipo ng lalaki na madaling ta-ngayin ng tukso. Pero nakadama ako ng takot na maaaring dulot ng matagal na pagkadarang sa apoy ay baka masunog ako.

Maganda ang hipag ko at malinaw sa akin ang mga makahulugang tingin niya at maging ang kanyang pananalita sa akin.

Liberated ang hipag kong ito at limang beses nang nag-asawa na nauuwi sa pakikipagdiborsyo.

Sinabi ko sa misis ko ang mga obserbasyon ko sa aking hipag. Pero ang sabi niya, gumagawa lang ako ng kuwento.

Dumating ang sukdulan nang pang-aakit niya sa akin at nang ayaw kong pumatol sa mga ginagawa ng hipag ko ay binaligtad niya ako sa aking asawa.

Sinabi niya na pinagtangkaan ko siyang gahasain.

Ang masaklap, mas pinaniwalaan ng misis ko ang ate niya kaysa sa akin.

At sa galit ay pinalayas ako sa sarili naming bahay.

Ano ang puwede kong gawin? Ako pa kasi ang lumalabas na masama.

Nakikitira lang ako ngayon sa bahay ng tiyo ko.

Quito

Dear Quito,

Walang katinuan ang isip ng asawa mo.

Palagay ko, kahit anong paliwanag ang gawin mo sa kanya ay hindi niya pakikinggan. Dahil ang ate pa rin niya ang kakampihan niya.

Dumistansya ka muna at huwag munang bumalik.

Ipasa-Diyos mo na lang na magkaroon ng pangyayari sa buhay nilang magkapatid na magbibigay ng liwanag sa baluktot na isip ng misis mo.

Dr. Love

Show comments