Dear Dr. Love,
Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Cynthia, 20 anyos.
Si Armand ay distant cousin ko at kung degree of consanguinity ang pag-uusapan, puwede na sana kaming magpakasal.
Habang lumalaki kami, na-develop ako sa kanya. Naramdaman kong nai-in love na ako sa kanya.
Kasi naman, sobra kaming close at akala ko ay may mutual understanding na kami. Kahit ang mga parents namin ay walang tutol kung kami ay magkakatuluyan.
Nagtiyaga akong maghintay na pormal niya akong ligawan, simula pa nang mag-debut ako, bagay na hindi niya ginawa.
Dahil dito, ako na ang naglakas-loob na magsabi sa kanya ng daamdamin ko. Sinabi ko na mahal ko siya.
Nasaktan ako nang tapatin niya ako at sabihing may girlfriend na siya. Mula noon ay hindi ko na siya kinibo.
Napakasakit kasi na hindi niya sinuklian ang pagmamahal ko sa kanya.
Ano gagawin ko?
Cynthia
Dear Cynthia,
Huwag mong ipagpilitan ang sarili mo sa lalaking ang turing lang sa iyo ay kaibigan o kapatid. Wala kang dahilan para magdamdam sa kanya dahil hindi naman siya committed sa’yo o ni walang pagpapahayag na mahal ka niya.
Forget him at kung maaari, huwag mong sirain ang relasyon ninyo bilang magkaibigan. Okay lang ang masaktan, pero mali na magtanim ka ng galit sa kanya.
Ang pinakamaina na magagawa mo ay mag-move on. Natitiyak ko na gaya ng iba, malilimutan mo rin ang karanasan mo na ‘yan at makakahanap ka rin ng ibang mamahalin at magmamahal sa iyo.
Dr. Love