Dear Dr. Love,
Nabubwisit ako sa misis ko. Gusto ko nang hiwalayan dahil lagi niyang pinakikialaman ang atm ko.
Sinanla ba naman, eh paano ako makaka-withdraw para sa gusto kong bilhin? Ginawa niya raw ‘yun para ipambili ng e-bike. Panghatid-sundo raw sa dalawa naming anak.
Katwiran niya, sa sweldo ang tamang oras na bumili. Eh, paano kung may dapat akong pagkagastusan, hindi ko magawa.
Tapos kapag hihingi ako ng pera, kundi ubos na ay may paggagamitan siya. Ang alam ko, karapatan ng mister na hawakan ang atm niya.
Tulad ngayon, marami kaming kukumpunihin sa bahay, tumutulo ang bubungan namin dahil tag-ulan.
Kailangan din ipagawa ang motor ko, hindi tuloy ako makahingi ng pampagawa.
Itong motor ko na lang ang aking pinagkakagastusan ko at ang mga dapat ayusin sa bahay namin…hindi ko na magawa. Paano kung bigla akong magkasakit?
Ayoko namang mangutang nang mangutang dahil ako rin ang nahihirapang magbayad. Pero siya, ang lakas ng loob magsanla ng atm.
Juper
Dear Juper,
Ginagastos ba ng misis mo ang pera ninyo sa walang kwentang bagay? ‘Di ba mainaman naman na may e-bike silang magagamit? Mahirap ang iniisip mong hiwalayan.
Mag-usap kayo at gumawa kayo ng paraan para madagdagan ang kita ninyo. Ikaw ang tatay, kaya obligasyon mong magbigay ng pera.
Pwede mo naman kunin ang atm mo pero ikaw na ang bahala sa lahat ng gastusin. Kung may karapatan ka sa atm mo, paano naman ang budget ninyo? Naku, baka lalong matuliro ang isip mo kung paano pagkakasyahin ang sweldo mo.
Hanap ka ng pwedeng sideline, ‘yung legal ha.
DR. LOVE