Pinagsabihan sa kaka-cellphone naglayas pero umuwi rin

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Gabs. Nainis ang papa ko at nasigawan ako. Sinabihan na kasi akong tumigil na sa kaka-cellphone at gusto na niyang kumain pero hindi ako nagsaing.

Wala ang mother ko, nasa abroad kaya kami lang ni papa ang magkasama sa bahay.  Kasalanan ko naman talaga dahil hindi ako marunong makinig sa mga payo, pangaral at saway ng papa ko.

Madalas kong awayin ang si papa dahil panay ang utos kahit alam ko na ang pinagagawa niya, paulit ulit pa rin siya. Masakit din kasi siya magsalita. Kaya ayun, naglayas ako.

Ang akala ko ganun lang kadali. Akala ko kaya ko, na hindi ko na kailangan si papa. Noong una, nakikitira ako sa barkada ko pero panay din ang parinig ng kanyang papa na kinakapos din sila sa budget.

Hanggang natulog na lang ako sa kalye. Nang magkasakit ako, saka lang akong nagdesisyong umuwi sa bahay namin.

Pag-uwi ko pinalalayas ako ni papa. Pero natuto na akong makiusap at making, mahirap pala kapag walang umintindi at nag-aasikaso sa akin.

Gabs

Dear Gabs,

Kapag mahal mo ang isang tao, dapat kahit nahihirapan ka at ayaw mong gawin…gagawin mo pa rin. Syempre ‘yung tama lang na inuutos sa’yo ha.

Dapat nga hindi ka na sinasabihan, kundi nagkukusa ka na.

Ang pagmamahal ay hindi inuutos at hindi hinihingi, dapat kusang binibigay.

Kaya kung may pinagagawa sa iyo ang papa mo, tigilan mo ang pagse-cellphone. At huwag naman sana maging option ang maglalayas.

Kapag hindi ka marunong makinig sa minamahal mo. Baka gawin din niya ito sa iyo. Hindi ba gusto natin na napapakinggan tayo, lalo na nagmahal natin sa buhay?

Nawa’y natutuhan mo na ang mahalagang leksiyon sa padalos-dalos na desisyon mo. Pasalamat ka pa rin at hindi ka napahamak.

DR. LOVE

Show comments