Dear Dr. Love,
Limang taon ng “kami” ni Arnold pero two years nang break at may kani-kaniya ng karelasyon ngayon.
Sa kabila nito, nananatili kaming close. Minsan niyayaya niya akong kumain sa labas at patuloy pang dumalaw sa bahay namin. Kung minsan pa nga ay kasama ang jowa niya.
Natyempuhan na nang minsang dalawin niya ako ay naroon ang boyfriend ko, kaya hindi siya nagtagal. Hindi niya kasama ang jowa niya kaya nagselos ang boyfriend ko.
Kahit sinabi kong magkaibigan na lang kami, sinabihan ako ng boyfriend ko na huwag na akong makikipag-date sa ex ko. Hindi ko magagawa ‘yon dahil mula sa pagkabata ay friends na kami bago kami naging mag-on. Ano ang dapat kong gawin para mahimok ko na maging broad minded ang boyfriend ko?
Leah
Dear Leah,
Okay lang mag-maintain ng friendship pero huwag ‘yung lalabas kayo na kayong dalawa lang. Maski papaano ay masasaktan ang damdamin ng boyfriend mo.
If you are invited to eat outside, isama mo ang boyfriend mo at kung maaari, kapag dadalawin ka sa bahay ay isama lagi ang gf niya.
Marahil naman, hindi na magseselos sa ganitong setup ang bf mo.
Dr. Love