Kumapit sa patalim
Dear Dr. Love,
Pakitago mo na lang ako sa alias na Bad Boy. May ka-live in ako at dalawang taon na kaming nagsasama.
Dati akong may magandang trabaho at sunod sa kanyang luho ang kinakasama ko. Pero matapos ang anim na buwan naming pagsasama, naalis ako sa trabaho.
Dahil dito ay madalas na kaming nag-aaway kasi hindi ko na kayang bilhin ang mga gusto niya.
Mahal ko siya at ayaw kong mawala siya sa akin.
Sumama ako sa grupo ng mga akyat-bahay sa kagustuhan kong kumita. Sa unang pagsama ko sa pangkat, minalas kami kaya nakulong kaming lahat.
Pinyansahan kami ng boss namin sa sindikato kaya pansamantala kaming nakalaya. Nabalitaan ko na sumama na sa ibang lalaki ang kinakasama ko.
Gusto ko siyang hunting-in at patayin kasama ang lalaki niya.
Tutal nakalaboso na ako at patapon na ang buhay ko.
Dapat ko bang ituloy ang balak ko?
Bad Boy
Dear Bad Boy,
Dahil sa babaeng iyan ay nasira ang iyong buhay.
Huwag mo nang dagdagan ang asunto mo at baka tuluyan ka nang mabulok sa kulungan.
Idalangin mo na malusutan mo ang kinakaharap mong kasong robbery at kung maabsuwelto ka, bumitiw ka na sa pangkat na iyan at magbagong buhay.
Humanap ka ng disenteng trabaho kahit maliit ang suweldo at mabuhay ka ng marangal.
Sana ay maka-hanap ka ng babae na magiging tapat sa iyo at hindi maluho gaya nung una mong kinakasama.
Dr. Love
- Latest