Magpapakatandang dalaga na lang

Dear Dr. Love,

Hindi ko malaman kung sadyang born loser ako sa pag-ibig ngunit sa anim na lalaking minamahal ko at nakarelasyon, puro kasawian ang aking naranasan. Mabuti na lang at maingat ako sa sarili ko at hindi ako gaya ng ibang babae na agad isinusuko ang pagkababae sa kanilang mga nagiging kasintahan.

Lahat sila na naging kasintahan ko ay nanlamig sa akin at eventually ay kinalasan ako dahil sa iisang bagay na hindi ko kayang ibigay sa kanila. Siyempre nalulungkot ako sa mga pangyayaring ito pero hindi ako nagsisisi.

Lumaki ako sa konserbatibong pamilya at para sa akin mahalaga ang  dangal ng babae.

Naiisip ko tuloy na huwag nang mag-entertain ng suitors dahil parang parepareho ang mga lalaki. Mabuti pang tumanda akong dalaga. Tama po ba ako?

Gela

Dear Gela,

Hindi parepareho ang mga lalaki. Hindi ka pa lang natatapat sa lalaking taglay ang katangian na hanap mo.

Bihira ang babaeng gaya mo na may pagpapahalaga sa chastity. Kung kinalasan ka nila, sila ang nawalan at hindi ikaw.

Darating din ang lalaking tunay na magmamahal sa iyo at magpapahalaga sa desisyon mong manatiling isang birhen hanggang sa unang gabi matapos ang inyong kasal. Napakapalad naman ng lalaking iyon!

Dr.  Love

Show comments