Dear Dr. Love,
Ako po si Jey, 4th year college. May utang po ako sa ex gf ko. Bago kami magkalabuan umutang ako sa kanya ng 8K. Kinapos kasi ako sa pambayad ng tuition noong first sem.
Hindi naman talaga ako mangungutang sa kanya dahil syempre ako ang lalaki kaya medyo nahihiya ako. Lumapit na rin kasi ako sa ibang tropa ko kaso wala rin daw silang mapandagdag.
Actually 5k ang pinadala ng parents ko, tama lang sa pan-down pero may previous balance pa kasi ako ng higit 7k.
Sa madaling salita dahil sa mahal ako ng gf ko noon, pinahiram niya ako. Ngayong nagkakalabuan na kami, gusto ko nang ibalik ang 8k na inutang ko sa kanya pero ayaw na niyang tanggapin.
Katwiran niya hindi naman daw niya pinautang ‘yon, bigay na niya sa akin. Pero nag-aalangan ako kasi baka mamaya maisumbat niya sa akin ang inutang ko sa kanya.
Sinabihan ko na siya bago pa na kapag may naipon ako ay ibabalik ko sa kanya ang pera. Ayoko kasing masira ang pangalan ko sa kanya. Kaya kami naghiwalay ay dahil na rin sa kanya. May nanligaw na mas pogi yata sa akin kaya hayun bumigay ang gf ko. Tama lang po ba na ibalik ko ang pera sa kanya?
Jey
Dear Jey,
Tama, dapat lang ibalik mo ang inutang mo kasi utang iyon. Pero nabanggit mo na ayaw niyang tanggapin kaya huwag mo nang ipilit sa kanya na ibalik pa ang pera kung talagang ayaw niya. Pero magtabi ka pa rin kung sakaling magbago ang isip niya ay may pambayad ka pa rin.
Hindi naman malaking problema ‘yan. Basta handa kang magbayad kapag kailangan na niya.
Huwag mong isipin na isusumbat pa niya sa iyo ang tungkol sa pera. Siya naman ang nagsabi na tulong niya iyon sa iyo. Bagkus kahit wala na kayo sa isa’t isa huwag mong baliwalain ang nagawa niyang tulong sa iyo.
Tungkol naman sa relasyon ninyo. Baka naman may balak pa rin siyang bumalik sa iyo, kaya ayaw ka niyang pagbayarin. ‘Yun ay posibilidad lamang. Hayaan mo lang na maging magkaibigan pa rin kayo, who knows balang araw siya naman ang mangangailangan ng tulong mo.
DR. LOVE