Walang kibuan sa loob ng tahanan

Dear Dr. Love

Hindi ko na matatawag na tahanan ang bahay ko dahil wala na ang elementong pagmamahalan at pagkakasundo. Tawagin mo na lang akong Mulong, 40 anyos at ang asawa kong si Merl ay 39.

Nag-iisa ang aming anak na matatapos na sa kolehiyo. Three years na kaming walang kibuan ng asawa ko. Magkahiwalay ang aming kuwarto at kanya-kanya kami ng diskarte para sa aming mga sarili. Kumakain na lang ako sa labas at ang niluluto niya ay para lang sa kanya at sa aming anak.

Nagsimula ito nang matuklasan ko na may karelasyon siya, ang dati niyang boyfriend. Pinutol naman niya ang relasyong ito at humingi ng tawad sa akin. Pinatawad ko siya ngunit hindi ko na maibalik ang dati kong pagtingin sa kanya. Lingid ito sa kaalaman ng aming anak bagamat nagtataka siya kung bakit hindi na kami nag-uusap at magkahiwalay pa ang kuwarto.

Gusto ko nang hiwalayan ang asawa ko. Pero baka sumama ang loob ng aking anak na mahal ko. Ano ang gagawin ko?

Mulong

Dear Mulong,

Dapat sana ay noon mo pa ipinasyang hiwalayan ang iyong asawa. Hindi ako pabor sa paghihiwalay pero kung pinatawad mo siya at sa dulo ay hihiwalayan mo rin, anong klaseng pagpapatawad iyan?

Talagang masakit para sa mga anak na magkahiwalay ang mga magulang, ngunit nga-yong nasa wastong edad na siya, mauunawaan na niya ang damdamin mo.  Entitled siyang malaman ito bilang isang anak.

Sabihin mo man o hindi, mababatid din niya ito pagdating ng araw. Kausapin mo siya sa nararamdaman mo at malamang, makapaglulubag ito sa damdamin mo para isaisantabi ang balak mong hiwalayan si misis.

Walang anak ang gustong maging bahagi ng broken family.

Dr. Love

Show comments