Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang po ninyo akong Ampie. Ilang taon din akong nagtiis na palakihin na mag-isa ang aking dalawang anak.
Bigo ako pero hindi ako sumuko. Noong panahon na iwanan ako ng asawa ko, wala akong kakampi.
Pinagselosan niya ako at sinisisi ng mga kamag-anak niya. Mabuti at may magulang ako na umalalay sa akin.
Sila ang naging lakas ko habang ginagampanan ko ang pagiging nanay at tatay ng mga anak ko.
Akala ko noon hindi ko mapagtatagum-payan ang mga pagsubok na ito sa aking buhay.
Ang asawa ko ay nag-asawa na uli. Hindi ko na siya ginambala pa. Hindi na rin akong humanap ng isa pang lalaking makakasama ko sa buhay dahil nawalan na ako ng tiwala sa kanila.
Ngayon napagtapos ko na ang aking anak ng kolehiyo at ang isa ay third year college na rin.
Sa kabila ng hirap at pagod ko, nagbunga naman ng magandang buhay para mga anak ko. Magkahalong tuwa at pangamba ang nararamdaman ko para sa mga anak ko.
Sana hindi sila makalimot sa pagod at hirap ko sa kanila. Masaya akong makita sila na nasa mabuting kalagayan, hindi tulad ng aking naranasan.
Ampie
Dear Ampie,
Maraming salamat sa ibinahagi mo sa amin. Nakapa-inspiring ng buhay ninyo ng mga anak mo. Mayroon nga may kaya sa buhay pero hindi rin nagpatuloy ng pag-aaral ang mga anak. Napariwara pa.
Saludo ako sa iyo. Dapat lang na ikaw ay tulungan ng iyong mga anak kung may kakayahan na sila. Hindi bilang bayad, kundi bilang malasakit sa iyo bilang nanay at tumayong tatay rin nila.
Bagamat hindi tungkulin nga mga anak ang suklian ang hirap at pagod ng kanilang magulang, maaari rin namang ipahayag nila ang pasasalamat sa nagawa mong pag-aaruga sa kanila.
Para sa mga kabataan ngayon kung mahal natin ang ating magulang, hindi natin sila pababayaan. Pinagpapala ng Diyos ang anak na nagmamahal sa kanilang magulang.
DR. LOVE