Dapat ko bang sabihing baog ako?

Dear Dr. Love,

Mula pa nung ako’y dalagita hanggang ngayon na 22 na ako ay hindi ako nagkaroon ng menstruation.

Nang 19 na ako ay ipinasuri ako sa doktor ng magulang ko. Ang findings, hindi ako maaaring magkaanak.

Dalawa na ang nagiging boyfriend ko at ito’y hindi ko ipinagtapat. Ngayon ay pumasok ako sa seryosong relasyon. Gusto ng boyfriend ko na magpakasal na kami. Sabi niya, limang anak ang gusto niya.

Natatameme ako kapag nangangarap siya para sa aming future.  Nais raw niya na ang aming panganay ay maging civil engineer tulad niya.

Napipipi ako kapag gusto kong sabihin ang totoo sa kanya. Baka mapalitan ng galit ang pag-ibig niya sa akin.

Sa susunod na taon pa kami nagbabalak magpakasal at habang lumilipas ang mga araw ay kumakabog ang dibdib ko.

Ano ang dapat ko’ng gawin?

Novalita

Dear Novalita,

Kung hindi ka magtatapat habang hindi pa kayo kasal ay dinadaya mo siya lalo pa’t gusto niyang magkaroon ng anak.

Kung mahal ka niya, tatanggapin niya ang sasabihin mo gaano man kapait ito. Ngunit kung hihiwalayan ka niya dahil baog ka, dapat mo ring tanggapin ito. Mas mahirap kung malalaman niya ang katotohanang ito kapag kayo’y mag-asawa na.

Alam mo ba na kung sa simula pa ay batid mong baog ka pero hindi mo agad sinabi sa iyong mapapangasawa, ito ay maaaring ma-ging ground  for marital annulment?

Kaya ngayon pa lang ay sabihin mo na ang buong katotohanan para walang maging dahilan kung magpasya siyang ipawalang bisa ang inyong kasal pagdating ng araw.

Dr. Love

Show comments