Bumaling sa iba

Dear Dr. Love,

Dumating ang panahon na napundi na ako sa kakadada ng misis ko at kakaselos niya. Nasigawan ko siya at simula noon, naging malamig na ang aming pagsasama. Naging normal na lang sa amin ang mag-away at pati ang aming anak ay nadadamay.

Ganito ang sitwasyon namin kapag pinatulan ko ang init ng ulo niya. Pati sa trabaho apektado ang performance ko. Kaya halata ng mga officemate ko na may problema.

Hanggang sa nabaling na ang atensyon ko sa officemate kong si G. Lagi niya akong inaalalayan para makagawa kami ng magandang resulta para sa aming project proposal.

Maayos ang project at nagiging maayos din ang aming bonding ni G. Nakalimutan ko na nga ang problema ko kay misis. Imbes na si misis ang nami-miss ko, si G na ang laging kong kinasasabikan.

Hindi kasi siya naninisi kapag may mali ako. Pero parang naaapektuhan si G dahil nararamdaman na niya na nagkakagusto na ako sa kanya. Pagkatapos ng project namin sabi niya ay magpapalipat siya ng team para mas maging productive daw ako.  Sa huling paalam ni G hinalikan ko siya at hindi ko napigilan ang damdamin ko. Alam kong mali ang nagawa ko. Alam ko ring may asawa ako.

Rein

Dear Rein,

Kung sa palagay mo na nakaiwas ka na sa problema mo sa misis mo ng dahil kay G, nagkakamali ka. Lalo mo pang pinabigat ang sitwasyon mo. Hindi tama ang nangyayari sa inyo ng misis mo. Pero hindi pa rin tama na ibaling mo ang atensyon mo sa iba.

Dapat mag-focus ka kung paano mo maaayos ang problema mo sa misis mo. Mas higit na kailangan mong maging mahusay sa pag-handle ng pamilya mo. Kaya ka nga naghahanapbuhay para sa kanila, ‘di ba.

Hayaan mo na si G. may sarili siyang desisyon para sa career niya at personal niyang buhay.

DR. LOVE

Show comments