Dear Dr. Love,
Ako po Richmond. Anak ako sa “labas” dahil pangalawang asawa ang aking ina. Mula ng iniwan kami ng aking ama, hindi na siya nagpakita pang muli sa amin. Fourteen years old ako nang ipagtapat sa akin ng aking nanay na hindi kami ang tunay na pamilya ng aking ama. Huwag na raw akong umasa na hanapin pa siya o makipagkita pang muli sa aking ama.
Nakakalungkot lang lalo na noong panahong inag-aaral pa ako. Kung ang mga klasmeyts ko ay masayang nagkukwento ng kanilang masayang buhay sa piling na kanilang mga magulang, ako naman ay tahimik at laging nangangamba na baka mapagtawanan lang.
Nagiging magagalitin si nanay kapag nababanggit ko ang tungkol sa akin ama. naghahanap lang naman ako ng kalinga ng isang tatay.
Hindi ko minsan maisip kapag umiiyak si nanay dahil sa sobrang pagod sa maghapong pag-a-agent ng insurance at kung anu-anong mga pinapasok niyang pagkakakitaan.
Ang mabigat pa sa aking kalooban ay ang lumaki na walang maipagmamalaking ama ng tahanan. Mahal ko naman si nanay at nangangako akong hindi ko siya pababayaan. Hindi tulad ng aking ama na umiwas sa pananagutan. Minsan tinatanong ko nga sa aking sarili kung bakit hinahayaan ng Diyos ang mga sitwasyon na tulad ng sa amin.
Richmond
Dear Richmond,
Marami ang tulad mo. Kaya huwag mong isiping ikaw lang ang napabayaan. Kung tutuusin may mas malala pa ang sitwasyon ng iba kaysa sa inyo.
Bakit nga ba hinahayaan ng Diyos ang mga ganitong sitwasyon? Para malaman mong kahit iwan ka pa ng iyong ama, hinding hindi ka iiwan ng Ama nating lumikha.
Gusto niyang matuto tayong manalig sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Mahal ka ng iyong ina at ikaw ang kanyang inaasahan.
Huwag mong isiping pinabayaan ka, ang isipin mo kahit wala ang iyong ama ay pwede mo pa ring mapasaya ang iyong ina sa pamamagitan ng pagi-ging isang mabuting anak.
DR. LOVE