Pampakasal nawaldas
Dear Dr. Love,
Nagkasundo kami ng girlfriend kong si Mini na mag-impok para sa isang bonggang kasalan sa Hunyo ng kasalukuyang taon. Last year pa kami nagsimulang mag-ipon na umabot na sana ng P700 thousand.
Sa akin ipinagkatiwala ni Mini ang pera na naka-time deposit sa isang bangko. Excited ako sa pagsasama namin ng aking girlfriend at matayog ang aking pangarap. Gusto ko na magbukas kami ng negosyo.
Isang kaibigan ko ang umudyok sa akin na mag-invest ng kalahating milyong piso sa isang investment scheme na scam pala. Masyado akong naakit sa tubo na napakalaki kaya hindi ako nag-atubili. Sa first 2 months ay kumikita ng interes na P 100 k ang pera ko pero nang dumating ang ikatlong buwan ay wala na.
Hindi ko mademanda ang kaibigan ko dahil biktima rin siya. Hindi na rin namin mahagilap ang mga taong may kagagawan nito.
Paano ko ito ipagtatapat sa kasintahan ko?
Joey
Dear Joey,
Naghangad ka ng isandaan, dalawang daan ang nawala.
Ewan ko ba kung bakit alam na natin ang ganyang mga racket, nagpapaloko pa rin tayo.
Paano mo sasabihin sa gf mo? Ewan ko kung paano ka didiskarte. Basta ang alam ko, dapat ipagtapat mo sa kanya ang totoo dahil may investment siya roon.
Kung papaano, iyan ang problema mo.
Pwede ka niyang maunawaan at patawarin pero maaari rin siyang sumiklab sa galit. Ano man ang reaksyon niya, dapat maging handa ka.
Malabo mo nang mabawi ang nawala kaya umisip ka ng paraan para kitain ang nadispalkong halaga sa paraang legal.
Dr. Love
- Latest