Dear Dr. Love,
Tawagan na lang po ninyo ako sa pangalang, Annie, 25 anyos. Graduate po ako ng Medical course.
Very ideal ang pamilyang kinalakihan ko at masaya po ako, hanggang malaman ko ang katotohanan na ako ay ampon.
Parang gumuho ang buong mundo ko at nahihirapan akong tanggapin ang tungkol dito. Sa kalooban ko, pinagtaksilan ako ng kinilalang kong mga magulang dahil itinago nila sa akin ang tunay kong pagkatao. Kung sana po ay ipinagtapat na nila sa’kin ang lahat noong bata pa lang ako.
Sinubukan kong usisain ang tungkol sa aking tunay na mga magulang. Balak ko po silang harapin. Pero ang sabi nila papa at mama namatay sa isang car accident ang aking tunay na mga magulang.
Malapit na ang kasal ko, at nakakagulo sa akin ang nalaman kong ampon lang pala ako. Inakala kong tunay akong anak ni papa at mama, dahil lumaki ako sa pag-aarga at busog sa kanilang pagmamahal.
Kung bakit pa may ganitong situwasyon, Dr. Love…bakit ako ampon? Tulungan po ninyo ako makakawala sa negatibong emosyon ko. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po.
Annie
Dear Annie,
Sa halip na maghinanakit ka, ang dapat na mangibabaw sa’yo ay ang higit sa pagmamahal para sa kinamulatan mong mga magulang, Napakapalad mo, Annie! Sa dinami-rami ng mapipili ay ikaw ang ipinasyang ampunin at ituring na tunay na anak.
Kung pinaglihiman ka man nila, ’yun ay dahi; ayaw nilang ituring ka lang na isang ampon. Kaya kung ako sa’yo, puntahan mo ang iyong papa at mama, at yakapin sila ng mahigpit saka mo sabihin mahal na mahal mo sila.
Dr. Love