Napagalitan

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang po ninyo akong Mat. Napahiya ako sa parents ng gf ko. Alam naman ng gf ko na kalog ako, palabiro at ubod ng kulit. Dahil nga sa ugali ko kaya niya ako sinagot.

Malaking bagay ang nagagawa ko para sa kanya. Laging boring kasi sa kanila.

Magalang naman ako kapag nasa kanila kami. Pero panay ang tingin ng papa niya sa amin. Lalo na kapag nagtatawanan kami habang gumagawa ng project ng gf ko. Sa kaharutan ko, biglang napasigaw siya nang ubod ng lakas. Kiniliti ko siya sa ilalim ng kanyang tenga. Sa gulat ng parents niya, kinausap kami ng papa niya.

Kung hindi ko raw kayang magseryoso, huwag kong idamay ang anak nila. Hayun natulala ako at hindi na ‘ko nakaimik. Natakot tuloy akong pumunta sa kanila. Tina-try ko namang maging seryoso pero ang hirap mag-adjust.

Ayaw din ng gf ko na seryoso ako. Nalulungkot lang daw siya. Hanggang ngayon po hindi na muna ako pumupunta sa bahay ng gf ko.

Mat

Dear Mat,

Huwag kang matakot na dumalaw uli sa bahay ng gf mo, para mapagalitan ka uli. Joke lang! Dapat nasa lugar ang pagbibiro. Alam mo na ngayo,n hindi sa lahat ng oras at lugar pwedeng makipagbiruan.

Mahirap kapag nasanay ka na at wala sa lugar. Hayan napagalitan ka tuloy. Ganito, bahagi ng paggalang ang pagiging maingat sa pakikitugo sa iba. Kung kayong dalawa lang ng gf mo, pwede kayong magtawanan at sumigaw na alam ninyong walang magagalit.

Kaya ingat lang lagi. Kung kailangan tumahimik at maging seryoso paminsan-minsan ay subukan mo ring gawin. O sige pagpunta mo sa kanila, mag-sorry ka agad at sabihan mo rin ang gf mo kung magseseryoso ka para hindi siya nagtataka.

DR. LOVE

Show comments