Kailan matatapos ang pagsubok?
Dear Dr. Love,
May tatlong taon na akong nagtitiis sa mara-ming kabiguan sa buhay ko. Sabi ng mga friends ko, “pagsbok lang iyan.” Pero hanggang kailan ako susubukan ng tadhana?
Tawagin mo na lang akong Margarita, 35 anyos.
Naitatanong ko sa sarili ko, pagsubok nga ba ito o malupit sa akin ang tadhana.
Dalawampu’t pitong taon na ako nang mag-asawa dahil nang makatapos ako sa pag-aaral sa kolehiyo ay itinaguyod ko ang aking mga magulang na matanda na at walang pinagkakakitaan. Nagsikap akong makatapos bilang isang working student kaya matagal bago ko natapos ang aking kursong accountancy.
Nang mamatay pareho ang mga magulang ko, roon pa lang ako nag-asawa.
Mabait ang asawa ko nang nanliligaw pa, ngunit nang katagalan ay lumabas ang masamang ugali. Kapwa kami nagtatrabaho sa iisang kompanya noon. Nag-resign ako dahil bawal sa aming kompanya ang mag-asawa na parehong may mataas na tungkulin. Malaki naman ang sahod niya at mayroon naman akong naipon bukod pa sa early retirement benefit ko.
Hindi na ako nagtrabaho at nagsikap ma-ging mabuting ina ng tahanan. Madalas niyang kuwestyunin ang mga gastusin sa pamilya at ino-audit ang mga ginastos ko na para naman sa aming pangangailangan. Madalas akong makatikim ng masakit na salita sa kanya. Nauubusan na ako ng pasensya pero gusto ko pa rin siyang galangin bilang padre de pamilya.
Mas maganda siguro kung mamamasukan uli ako, tutal may ibang financial institution na gusto akong kunin. Tama ba ang gagawin ko?
Margarita
Dear Margarita,
Tama ka. Mas maganda kung gagamitin mo ang kursong pinaghirapan mo nang maraming taon. Kung papayagan ka naman ng mister mo, walang masama kung magtrabaho ka. Kumuha ka na lang ng katulong sa bahay o kaya yaya kung mayroon ka ng anak.
Talagang may mga lalaking katulad ng asawa mo, pagdating sa pamamahala ng salapi. Bagamat hindi maganda ang pagkakani-kanya ng mag-asawa sa usaping pananalapi, mas mainam na marahil ang ganyang setup para hindi ka niya puwedeng sisihin kung siya na ang mamamahala ng sarili niyang kita.
Sumahin ninyo ang mga gastusin sa bawat buwan tulad ng kuryente, tubig, pagkain, maintenance at iba pa at maghati kayo sa babayaran. Pag-usapan ninyong mabuti ang setup.
Dr. Love
- Latest