Hindi pa maka-move

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang akong Glena. Medyo hindi pa po ako maka-move on dahil sa nangyari sa tatay ko. Namatay siya sa atake sa puso. Kahit fifty three years old lang siya. Pilit pa rin niya kaming sinusuportahan sa pamamagiatn ng pagde-deliver niya ng pagkain. Bike lang ang gamit niya pero maghapon siya kumakayod.

Sinabihan nga siya ng may-ari ng delivery services na kung hindi niya kaya ay tumigil muna sa pagde-deliver. Pero ang katwiran ni tatay, paano hindi na kakain ang mga anak ko?

Naalala ko, laging sinasabi niya na sinayang daw niya ang kanyang panahon at hindi siya nakinig sa kanyang mga magulang noon, kaya napariwara ang kanyang buhay. Kung nakinig lang daw siya sa payo nila, hindi magkakaganon ang aming kalagayan ngayon.

Mabait, sobrang bait ni tatay. Laking hirap din ang dinanas niya para maitaguyod kami. Una kasing pumanaw ang nanay namin dahil sa panganganak sa bunso naming kapatid.

Hindi ko naman matulungan ng lubos ang aking tatay dahil nag-aaral pa rin ako. Kabilin-bilinan niya ay pagtuunan ko ang aking pag-aaral, ngayon dalawa na lang kami ng aking bunsong kapatid.

Nangangako ako na itataguyod ko ang buhay naming magkapatid hanggang  makamit namin ang aming mga pangarap.

Glena

Dear Glena,

Nakikidalamhati ako sa iyong ama. Minsan naaawa ako sa mga katulad ng tatay mo. Kahit may edad na nagpapatuloy pa rin sa pagkayod at padyak. Naranasan mo na ang maghikahos. Kaya hangga’t maaari ay matuto kang mag-ipon para sa kinabukasan ninyong magkapatid.

Bigyan mo rin na panahon ang sarili mo. Pero ituloy mo lang ang pagharap sa mga pinagdaraanan mong problema. Huwag ka lang bibitaw. Lalo na sa pagdarasal na gabayan kayo ng ating Amang Maylikha.

Mapapalad ang tulad mong dukha dahil pagpapalain kayo ng Maykapal.

DR. LOVE

Show comments