Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang po ninyo akong Laila. Lagi na lang akong kinukumpara ng asawa ko sa mother niya.
Minsan nga, sinabihan ko siya na dun ka na lang kaya uli sa nanay mo.
Una, hindi ako marunong magluto. Ang nanay niya ay masarap magluto. Doon pa lang wala na akong masabi.
Tapos ang nanay niya laging maasikaso, malinis sa bahay at kung anu-ano pa ang lagi niyang sinasabi na akala mo wala na akong ginawang mabuti sa kanya.
Daig pa niya ako, dapat nga ako itong babae, ako ang madada.
Kaya naman hindi ako makaasikaso dahil nagbabantay ako ng mga orders ng soimai online at maging dito sa maliit naming tindahan.
Hindi ko na mapagsabay ang mag-asikaso sa kanya ngayon.
Noong kasagsagan ng pandemic, walang mga pasok ang mga anak namin kaya nagagawa ko pa silang utusan.
Ngayon ako na lang ang naiiwan, kaya minsan kulang ang oras sa rami ng orders. Eh, siya nga kapag walang pasok ng Sabado at Linggo, pinagpapahinga ko siya at sunod sa layaw sa barkada niya kung kailan tumanda, saka pa natutong makipagbarkada.
Laila
Dear Laila,
Ilang taon na ba kayong mag-asawa?
Aba, dapat alam ninyo ang inyong priority.
Una, sa iyo. Dapat maglaan ka pa rin ng oras para sa asawa at mga anak ninyo. Huwag mong ikatuwiran na busy ka.
Sa asawa mo naman, dapat ka niyang tulungan kaysa magreklamo siya sa iyo.
‘Yan ang mahirap sa mga mag-asawa na hindi naiwan ang ugali noong binata at dalaga pa sila.
Kapag may asawa na ang isang tao, dapat niyang unang pagsilbihan ang kanyang pamilya. Tapos na ang buhay binata at dalaga. Iba ang buhay ng may asawa na.
Kaya sa sa halip na maghanapan kayo ng pagkukulan sa bawat isa at sa inyong kani-kaniyang tungkulin sa pamilya, magtulungan kayo. Tantanan na ang pagbabangayan.
DR. LOVE